2 Samuel 12:16-31 Ang Biblia (TLAB)

16. Ipinanalangin nga ni David sa Dios ang bata; at si David ay nagaayuno, at pumapasok, at humihiga buong gabi sa lupa.

17. At bumabangon ang mga matanda sa kaniyang bahay, at tumatayo sa siping niya, upang itindig siya sa lupa; nguni't siya'y ayaw kahit kumain ng tinapay na kasalo nila.

18. At nangyari, nang ikapitong araw, na ang bata ay namatay. At nangatakot ang mga lingkod ni David na saysayin sa kaniya na ang bata ay patay na: sapagka't kanilang sinabi, Narito, samantalang ang bata ay buhay pa, tayo ay nakipagsalitaan sa kaniya, at hindi siya nakinig sa ating tinig: gaano ngang ikababagabag niya kung ating sasabihin sa kaniya na ang bata ay patay na?

19. Nguni't nang makita ni David na ang kaniyang mga lingkod ay nagbubulong-bulungan, nahalata ni David na ang bata ay patay na: at sinabi ni David sa kaniyang mga lingkod, Patay na ba ang bata? At kanilang sinabi, Siya'y patay na.

20. Nang magkagayo'y bumangon si David sa lupa at naligo, at nagpahid ng langis, at nagbihis ng kaniyang suot; at siya'y naparoon sa bahay ng Panginoon, at sumamba: saka naparoon siya sa kaniyang sariling bahay; at nang siya'y humingi, hinainan nila ng tinapay siya sa harap, at siya'y kumain.

21. Nang magkagayo'y sinabi ng kaniyang mga lingkod sa kaniya, Anong bagay ito na iyong ginawa? ikaw ay nagaayuno at umiiyak dahil sa bata, samantalang siya'y buhay; nguni't nang mamatay ang bata, ikaw ay bumangon at kumain ng tinapay.

22. At kaniyang sinabi, Samantalang ang bata'y buhay pa, ako'y nagaayuno at umiiyak: sapagka't aking sinabi, Sino ang nakakaalam kung maaawa sa akin ang Panginoon, na anopa't ang bata'y mabuhay?

23. Nguni't ngayo'y patay na siya; bakit pa ako magaayuno? Maibabalik ko pa ba siya? Ako'y paroroon sa kaniya, nguni't siya'y hindi babalik sa akin.

24. At inaliw ni David si Bath-sheba na kaniyang asawa, at lumapit sa kaniya, at sumiping sa kaniya: At siya'y nanganak ng isang lalake, at tinawag niya ang kaniyang pangalan na Salomon. At minahal siya ng Panginoon.

25. At nagsugo siya sa pamamagitan ng kamay ni Nathan na propeta, at tinawag niya ang kaniyang pangalan na Jedidiah alang-alang sa Panginoon.

26. Nakipaglaban nga si Joab, sa Rabba sa mga anak ni Ammon, at sinakop ang bayang hari.

27. At nagsugo si Joab ng mga sugo kay David, at nagsabi, Ako'y nakipaglaban sa Rabba, oo, aking sinakop ang bayan ng mga bukal ng tubig.

28. Ngayon nga'y pisanin mo ang nalabi sa bayan, at humantong ka laban sa bayan, at sakupin mo: baka aking sakupin ang bayan, at tawagin ayon sa aking pangalan.

29. At pinisan ni David ang buong bayan, at naparoon sa Rabba, at bumaka laban doon, at sinakop.

30. At inalis ang putong ng kanilang hari sa kaniyang ulo: at ang bigat niyaon ay isang talentong ginto, at may mga mahalagang bato; at ipinutong sa ulo ni David. At siya'y naglabas ng samsam sa bayan na totoong marami.

31. At kaniyang inilabas ang bayan na nandoon, at inilagay sa ilalim ng mga lagari, at ng mga suyod na bakal, at ng mga palakol na bakal, at mga pinaraan sa mga lutuan ng laryo: at gayon ang ginawa niya sa lahat ng mga bayan ng mga anak ni Ammon. At si David at ang buong bayan ay bumalik sa Jerusalem.

2 Samuel 12