1. Si Josias ay may walong taon nang magpasimulang maghari; at siya'y nagharing tatlongpu't isang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Idida na anak ni Adaia na taga Boscat.
2. At siya'y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, at lumakad sa buong lakad ni David na kaniyang magulang, at hindi lumiko sa kanan o sa kaliwa.
3. At nangyari, nang ikalabing walong taon ng haring Josias, na sinugo ng hari si Saphan na anak ni Azalia, na anak ni Mesullam, na kalihim, sa bahay ng Panginoon, na sinasabi,
4. Ahunin mo si Hilcias na dakilang saserdote, upang kaniyang bilangin ang salapi na ipinasok sa bahay ng Panginoon, na tinipon sa bayan ng tagatanod-pinto:
5. At ibinigay sa kamay ng mga manggagawa na siyang tumitingin ng gawain sa bahay ng Panginoon; at ibigay sa mga manggagawa na nangasa bahay ng Panginoon, upang husayin ang mga sira ng bahay.
6. Sa mga anluwagi, at sa mga manggagawa, at sa mga kantero at sa pagbili ng kahoy, at ng batong tabas upang husayin ang bahay.