15. At kaniyang inalis ang mga dios ng iba, at ang diosdiosan sa bahay ng Panginoon, at ang lahat na dambana na kaniyang itinayo sa bundok ng bahay ng Panginoon, at sa Jerusalem, at inihagis ang mga yaon mula sa bayan.
16. At kaniyang itinayo ang dambana ng Panginoon, at naghandog doon ng mga hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, at tungkol sa mga pasalamat, at inutusan ang Juda na maglingkod sa Panginoon, sa Dios ng Israel.
17. Gayon ma'y naghain ang bayan na nagpatuloy sa mga mataas na dako, nguni't sa Panginoon lamang na kanilang Dios.
18. Ang iba nga sa mga gawa ni Manases, at ang kaniyang dalangin sa kaniyang Dios, at ang mga salita ng mga tagakita na nagsalita sa kaniya sa pangalan ng Panginoon, ng Dios ng Israel, narito, nangakasulat sa mga gawa ng mga hari sa Israel.
19. Gayon din ang kaniyang panalangin, at kung paanong dininig siya, at ang buo niyang kasalanan at pagsalangsang niya, at ang mga dakong kaniyang pinagtayuan ng mga mataas na dako, at pinagtindigan ng mga Asera at ng mga larawang inanyuan, bago siya nagpakumbaba: narito, nangakasulat sa kasaysayan ni Hozai.