10. Nguni't ngayon ay nahayag sa pamamagitan ng pagpapakita ng ating Tagapagligtas na si Cristo Jesus, na siyang nagalis ng kamatayan, at nagdala sa liwanag ng buhay at ng walang pagkasira sa pamamagitan ng evangelio,
11. Na sa bagay na ito ay ako'y itinalaga na tagapangaral, at apostol at guro.
12. Dahil dito'y nagtiis din ako ng mga bagay na ito: gayon ma'y hindi ako nahihiya; sapagka't nakikilala ko yaong aking sinampalatayanan, at lubos akong naniniwalang siya'y makapagiingat ng aking ipinagkatiwala sa kaniya hanggang sa araw na yaon.
13. Ingatan mo ang mga ulirang mga salitang magagaling na narinig mo sa akin, sa pananampalataya at pagibig na nasa kay Cristo Jesus.
14. Yaong mabuting bagay na ipinagkatiwala sa iyo ay ingatan mo sa pamamagitan ng Espiritu Santo na nananahan sa atin.
15. Ito'y nalalaman mo, na nagsihiwalay sa akin ang lahat ng nangasa Asia; na sa mga yaon ay si Figello at si Hermogenes.
16. Pagkalooban nawa ng Panginoon ng habag ang sangbahayan ni Onesiforo: sapagka't madalas niya akong pinaginhawa, at hindi ikinahiya ang aking tanikala;
17. Kundi, nang siya'y nasa Roma, ay hinanap niya ako ng buong sikap, at ako'y nasumpungan niya.
18. (Pagkalooban nawa siya ng Panginoon na masumpungan niya ang kahabagan ng Panginoon sa araw na yaon); at totoong alam mo kung gaano karaming mga bagay ang ipinaglingkod niya sa Efeso.