9. At nang dumating ang mga bataan ni David, kanilang sinalita kay Nabal ang ayon sa lahat ng mga salitang yaon sa pangalan ni David, at nagsitahimik.
10. At sinagot ni Nabal ang mga lingkod ni David, at nagsabi, Sino si David? at sino ang anak ni Isai? maraming mga bataan ngayon sa mga araw na ito na nagsisilayas bawa't isa sa kaniyang panginoon.
11. Akin nga bang kukunin ang aking tinapay at ang aking tubig, at ang aking hayop na aking pinatay dahil sa aking mga manggugupit, at aking ibibigay sa mga tao na hindi ko nakikilala kung taga saan?
12. Sa gayo'y ang mga bataan ni David ay pumihit sa kanilang lakad, at nagsibalik, at naparoon, at isinaysay sa kaniya ang ayon sa lahat ng mga salitang ito.
13. At sinabi ni David sa kaniyang mga lalake, Ibigkis ng bawa't isa sa inyo ang kaniyang tabak. At nagbigkis ang bawa't isa ng kaniyang tabak; at si David ay nagbigkis din ng kaniyang tabak: at ang umahon na sumunod kay David ay may apat na raang lalake; at naiwan ang dalawang daan sa daladalahan.
14. Nguni't isinaysay ng isa sa mga bataan kay Abigail, na asawa ni Nabal, na sinasabi, Narito, si David ay nagsugo ng mga sugo mula sa ilang upang bumati sa ating panginoon; at kaniyang tinanggihan.
15. Nguni't ang mga lalake ay napakabuti sa amin, at hindi kami sinaktan, o nagkulang man ng anomang bagay habang kami ay nakikisama sa kanila, nang kami ay nasa mga parang:
16. Sila'y naging kuta sa amin sa gabi at gayon din sa araw buong panahong aming ikinaroon sa kanila sa pagaalaga ng mga tupa.
17. Ngayon nga'y iyong alamin at dilidilihin kung ano ang iyong gagawin; sapagka't ang kasamaan ay ipinasiya na laban sa ating panginoon, at laban sa kaniyang buong sangbahayan: sapagka't siya'y isang hamak na tao, na sinoma'y hindi makapakiusap sa kaniya.
18. Nang magkagayo'y nagmadali si Abigail, at kumuha ng dalawang daang tinapay, at dalawang balat ng alak, at limang handang tupa, at limang takal ng trigo na sinangag, at isang daang kumpol na pasas, at dalawang daang binilong igos, at ipinagpapasan sa mga asno.
19. At sinabi niya sa kaniyang mga bataan, Magpauna kayo sa akin; narito ako'y susunod sa inyo. Nguni't hindi niya isinaysay sa kaniyang asawang kay Nabal.
20. At nagkagayon na samantalang siya'y nakasakay sa kaniyang asno at lumulusong sa isang kubling dako ng bundok na narito, si David at ang kaniyang mga lalake ay lumulusong na patungo sa kaniya, at sinalubong niya sila.