1 Samuel 14:28-32 Ang Biblia (TLAB)

28. Nang magkagayo'y sumagot ang isa sa bayan, at nagsabi, Ibiniling mahigpit ng iyong ama sa bayan na may sumpa, na sinasabi, Sumpain ang tao na kumain ng pagkain sa araw na ito. At ang bayan ay pata.

29. Nang magkagayo'y sinabi ni Jonathan, Binagabag ng aking ama ang lupain: tingnan ninyo, isinasamo ko sa inyo, kung paanong ang aking mga mata ay lumiwanag, sapagka't ako'y lumasa ng kaunti sa pulot na ito.

30. Gaano pa kaya kung ang bayan ay kumaing may kalayaan ngayon sa samsam sa kanilang mga kaaway na kanilang nasumpungan? sapagka't hindi nagkaroon ng malaking patayan ngayon sa gitna ng mga Filisteo.

31. At kanilang sinaktan ang mga Filisteo nang araw na yaon mula sa Michmas hanggang sa Ajalon: at ang bayan ay totoong pata.

32. At ang bayan ay dumaluhong sa samsam, at kumuha ng mga tupa, at mga baka, at mga guyang baka, at mga pinatay sa lupa: at kinain ng bayan pati ng dugo.

1 Samuel 14