10. Kaya't, narito ako'y magdadala ng kasamaan sa sangbahayan ni Jeroboam, at aking ihihiwalay kay Jeroboam ang bawa't lalake ang nakukulong, at ang naiwan sa kaluwangan sa Israel, at aking lubos na papalisin ang sangbahayan ni Jeroboam, kung paanong pinapalis ng isang tao ang dumi, hanggang sa mapaalis.
11. Ang mamatay kay Jeroboam sa bayan ay kakanin ng mga aso; at ang mamatay sa parang ay kakanin ng mga ibon sa himpapawid: sapagka't sinalita ng Panginoon.
12. Tumindig ka nga, umuwi ka sa iyong bahay: pagpasok ng iyong mga paa sa bayan ay mamamatay ang bata.
13. At tatangisan siya ng buong Israel, at ililibing siya; sapagka't siya lamang ang kay Jeroboam na darating sa libingan: sapagka't siya'y kinasumpungan sa sangbahayan ni Jeroboam, ng bagay na mabuti sa Panginoon, sa Dios ng Israel.
14. Bukod dito'y magtitindig ang Panginoon ng isang hari sa Israel, na siyang maghihiwalay ng sangbahayan ni Jeroboam sa araw na yaon; nguni't ano? ngayon din.
15. Sapagka't sasaktan ng Panginoon ang Israel ng gaya ng isang tambo na gumagalaw sa tubig; at kaniyang bubunutin ang Israel dito sa mabuting lupa na ibinigay sa kanilang mga magulang, at pangangalatin sila sa dako roon ng ilog; dahil sa kanilang ginawa ang kanilang mga Asera, na minungkahi ang Panginoon sa galit.
16. At kaniyang pababayaan ang Israel dahil sa mga kasalanan ni Jeroboam, na kaniyang ipinagkasala, at ipinapagkasala sa Israel.
17. At ang asawa ni Jeroboam ay tumindig, at yumaon, at naparoon sa Thirsa: at pagpasok niya sa pasukan ng bahay, ang bata'y namatay.
18. At inilibing siya ng buong Israel, at tinangisan siya; ayon sa salita ng Panginoon na kaniyang sinalita sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na si Ahias na propeta.
19. At ang iba sa mga gawa ni Jeroboam kung paanong siya'y nakidigma, at kung paanong siya'y naghari, narito, nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel.
20. At ang mga araw na ipinaghari ni Jeroboam ay dalawang pu't dalawang taon: at siya'y natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at si Nadab na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.