1 Mga Cronica 9:17-35 Ang Biblia (TLAB)

17. At ang mga tagatanod-pinto: si Sallum, at si Accub, at si Talmon, at si Ahiman: at ang kanilang mga kapatid (si Sallum ang puno),

18. Na hanggang ngayo'y namamalagi sa pintuang-daan ng hari na dakong silanganan: sila ang mga tagatanod-pinto sa kampamento ng mga anak ni Levi.

19. At si Sallum na anak ni Core, na anak ni Abiasath, na anak ni Corah, at ang kaniyang mga kapatid, sa sangbahayan ng kaniyang magulang, ang mga Koraita ay nangamamahala sa gawaing paglilingkod, na mga tagapagingat ng mga pintuang-daan ng tabernakulo; at ang kanilang mga magulang ay nangapasa kampamento ng Panginoon, na mga tagapagingat ng pasukan.

20. At si Phinees na anak ni Eleazar ay pinuno sa kanila nang panahong nakaraan, at ang Panginoon ay sumasa kaniya.

21. Si Zacarias na anak ni Meselemia ay tagatanod-pinto ng tabernakulo ng kapisanan.

22. Lahat ng mga ito na mga napili upang maging mga tagatanod-pinto sa mga pintuang-daan ay dalawang daan at labing dalawa. Ang mga ito'y nangabilang ayon sa talaan ng lahi sa kanilang mga nayon, na siyang pinagkatiwalaan sa kanilang katungkulan ni David at ni Samuel na tagakita.

23. Sa gayo'y sila, at ang kanilang mga anak ay namahala na pinakabantay sa mga pintuang-daan ng bahay ng Panginoon, sa makatuwid baga'y ng bahay ng tabernakulo, ayon sa paghahalinhinan.

24. Na sa apat na sulok ang mga tagatanod-pinto, sa dakong silanganan, kalunuran, hilagaan, at timugan.

25. At ang kanilang mga kapatid, sa kanilang mga nayon, ay paroroon sa bawa't pitong araw, tuwing kapanahunan upang sumakanila:

26. Sapagka't ang apat na punong tagatanod-pinto, na mga Levita, ay nangasa takdang katungkulan, at nangasa mga silid at sa mga ingatangyaman sa bahay ng Dios.

27. At sila'y nagsitahan sa palibot ng bahay ng Dios, sapagka't ang katungkulan doon ay kanila, at sa kanila nauukol ang pagbubukas tuwing umaga.

28. At ang ilan sa kanila ay may katungkulan sa mga kasangkapan na ipinaglilingkod; sapagka't ayon sa bilang ipinapasok, at ayon sa bilang inilalabas.

29. Ang ilan naman sa kanila ay nangahalal sa kasangkapan, at sa lahat ng mga kasangkapan ng santuario, at sa mainam na harina, at sa alak, at sa langis, at sa kamangyan, at sa mga espesia.

30. At ang ilan sa mga anak ng mga saserdote ay nagsisipaghanda ng paghahalohalo ng mga espesia.

31. At si Mathathias, na isa sa mga Levita, na siyang panganay ni Sallum na Coraita, may takdang katungkulan sa mga bagay na niluluto sa kawali.

32. At ang ilan sa kanilang mga kapatid sa mga anak ng mga Coatita, ay nangasa tinapay na handog upang ihanda bawa't sabbath.

33. At ang mga ito ang mga mangaawit, na mga pangulo sa mga sangbahayan ng mga magulang ng mga Levita, na mga nagsisitahan sa mga silid, at mga laya sa ibang katungkulan: sapagka't sila'y nangalalagay sa kanilang gawain araw at gabi.

34. Ang mga ito ay mga pangulo sa mga sangbahayan ng mga magulang ng mga Levita, ayon sa kanilang lahi na mga lalaking pinuno: ang mga ito'y nagsitahan sa Jerusalem.

35. At sa Gabaon ay tumahan ang ama ni Gabaon, si Jehiel, na ang pangalan ng kaniyang asawa ay Maacha:

1 Mga Cronica 9