7. At sinabi ni David kay Salomon na kaniyang anak, Tungkol sa akin, na sa aking kalooban ang magtayo ng isang bahay sa pangalan ng Panginoon kong Dios.
8. Nguni't ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi, Ikaw ay nagbubo ng dugo na sagana, at gumawa ng malaking pagdidigma: huwag mong ipagtatayo ng bahay ang aking pangalan, sapagka't ikaw ay nagbubo ng maraming dugo sa lupa sa aking paningin:
9. Narito, isang lalake ay ipanganganak sa iyo, na siyang magiging lalaking mapayapa; at bibigyan ko siya ng kapahingahan sa lahat ng kaniyang mga kaaway sa palibot: sapagka't ang kaniyang magiging pangalan ay Salomon, at bibigyan ko ng kapayapaan at katahimikan ang Israel sa kaniyang mga kaarawan:
10. Kaniyang ipagtatayo ng bahay ang aking pangalan; at siya'y magiging aking anak, at ako'y magiging kaniyang ama; at aking itatatag ang luklukan ng kaniyang kaharian sa Israel magpakailan man.
11. Ngayon, anak ko, ang Panginoon ay sumaiyo; at guminhawa ka, at iyong itayo ang bahay ng Panginoon mong Dios, gaya ng kaniyang sinalita tungkol sa iyo.
12. Pagkalooban ka lamang ng Panginoon ng pagmumunimuni, at pagkakilala, at bigyan ka niya ng bilin tungkol sa Israel; na anopa't iyong maingatan ang kautusan ng Panginoon mong Dios.
13. Kung magkagayo'y giginhawa ka, kung isasagawa mo ang mga palatuntunan at ang mga kahatulan na ibinilin ng Panginoon kay Moises tungkol sa Israel: ikaw ay magpakalakas at magpakatapang; huwag kang matakot o manglupaypay man.
14. Ngayon, narito, sa aking karalitaan ay ipinaghanda ko ang bahay ng Panginoon ng isang daang libong talentong ginto, at isang libong libong talentong pilak; at ng tanso at bakal na walang timbang; dahil sa kasaganaan: gayon din ng kahoy at bato ay naghanda ako; at iyong madadagdagan.